btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis News Archive Directory Menu

Si Eli Soriano at ang Kilusang "Ang Dating Daan" (ADD)


Isinilang si Eliseo F. Soriano (Brother Eli) sa isang mahirap na pamilya sa Pasay. Inangkin ni Soriano na siya ay naging katangi-tangi at palaging nakakatanggap noon ng pinakamatataas na karangalan sa kanyang paaralan at ginantimpalaan sa kanyang pagkakamit ng pinakamataas na grado sa buong kasaysayan ng kanyang paaralang elementarya. Sa kasamaang palad hindi niya natapos ang kanyang pag-aaral sa sekondarya bunsod ng umano’y pakikipagtalo sa kanyang direktora ng klase sa pag-arte tungkol sa usaping relihiyon. Imbis na ituring ito ng mga tagasunod ni Soriano na kasamaang-palad, itinuring nila na ito umano’y pahiwatig ng kilos ng Diyos na siyang nagdadala sa kanya tungo sa kanyang tunay na tadhana. Ang kanyang mga magulang ay kaanib ng “Iglesia ng Dios kay Kristo Hesus, Haligi at Suhay ng Katotohanan” na itinatag noong 1936 ng mga dating kaanib ng Iglesia ni Cristo (na itinatag noong 1914) na sina Nicolas Perez at Teofilo Ora na tumiwalag sa sektang ito noong 1922 upang itatag naman ang Iglesia Verdadero de Cristo. Hindi nagtagal ay namagitan ang hindi pagkakasundo sa dalawang dating pinuno ng Iglesia ni Cristo. Bunsod nito ay ipinarehistro ni Perez ang kanyang pangkat sa ilalim ng pangalang “Iglesia ng Dios Kay Kristo Hesus, Haligi at Suhay ng Katotohanan”. Ang pagsisikhay ni Soriano na basahin at isaulo ang Biblia ay pinukaw ng kanyang pag-anib sa pangkat ni Perez noong siya ay 17 taong gulang. Natatak sa isip ng kanyang mga tagasunod ang kanyang pagiging masigasig sa relihiyon. Naging kapansin-pansin sa ibang mga kaanib ang kanyang husay sa pagpapaliwanag at pagsasaulo ng mga sitas sa Biblia kaya naman siya ay naging mangangaral, debatista at ministro ng pangkat. Pinaniniwalan din na natatangi ang pagiging malapit sa kanya ni Perez kaya naman ipinaliwanag nito sa kanya ang mga katuruan at hiwaga ng salita ng Diyos. Lingid sa karamihan, inakala na siya ang sinasanay at ihinahanda upang pumalit kay Perez pagkamatay nito. Noong taong 1975, sa laking gulat ng marami ay nasalin ang pamumuno kay Levita Gugulan na isang babae! Noong una’y waring sumang-ayon si Soriano sa pasiyang iyon ngunit di nagtagal siya at ang iba pa ay naghimagsik sa pamumuno ni Gugulan. Naniniwala sila na hindi sang-ayon sa Biblia ang pamumuno ng mga kababaihan. Naiulat na noong 1976 si Soriano at mga kasama niya ay itiniwalag ng pangkat ni Gugulan. At noong 1977 ipinarehistro niya ang isang bagong pangkat na nagngangalang “Iglesia ng Dios kay Kristo Hesus, Haligi at Saligan ng Katotohanan” na maglao’y naging “Mga Kaanib sa Iglesia ng Dios kay Kristo Hesus, Haligi at Saligan ng Katotohanan sa Bansang Pilipinas, Inc.” noong 1990 at “Bayan ng Katotohanan” noong 1993. Ito ay bunsod ng paghahabla ng pangkat ni Gugulan sa pangkat ni Soriao sa korte sa usapin ng pagkakahawig ng pangalan ng kanilang mga organisasyon: “Iglesia ng Dios kay Kristo Hesus, Haligi at Saligan ng Katotohanan” (Soriano), at ang “Iglesia ng Dios kay Kristo Hesus, Haligi at Suhay ng Katotohanan” (Gugulan). Ito ay nagdulot ng patuloy na kumprontasyon sa dalawang pangkat pangrelihiyon. Noong Enero 4, 2004 pinanigan ng Korte Suprema ng Pilipinas ang pangkat ni Gugulan at napalitan ang pangalan ng pangkat ni Soriano na “Iglesia Ni YHWH at ni YHWSA HMSYH” (Church of YHWH and YHWSA HMSYH). Noong Nobyembre 4, 2004 pinili nilang makilala bilang “Members of the Church of God International.”


Pinalalaganap ni Soriano ang kanyang mga katuruan sa pamamagitan ng radyo, telebisyon at teknolohiya ng internet. Likas sa kanya na tahasang kalabanin ang iba’t ibang mga grupong pangrelihiyon sa pamamagitan ng pagtuligsa sa mga paksang hindi pundamental ang kahalagahan o non-essential tulad ng pag-iikapu (tithing), ng pagpapangalan ng simbahan at mga personalidad na kaugnay ng mga simbahan. Isa sa mga mabisang pamamaraan ni Soriano sa pagbihag sa mga mapaniwalaing tagapakinig niya ay ang pilosopong pakikipagdebate kung saan itinatakda niya sa kanilang sariling bakuran. Mapapansing karamihan sa nanonood at nakikinig ay pawang mga kaanib ng grupong “Ang Dating Daan” kung saan malaya silang sumigaw at “mangantyaw” imbis na taimtim na makinig sa sinasabi ng kalaban. Sa kabilang dako naman, si Soriano ay isang bihasang “manunuya” na kayang yamutin at ligaligin ang kanyang kalaban. Bunsod nito, ang kaawa-awang kalaban na hindi pamilyar sa mga taktika ni Soriano ay napipilitang iwasan ang paksang kanyang sinimulan o di kaya’y lisanin ang pagtitipon. Aakalain ng mga tagahanga ni Soriano na “nagwagi” ang kanilang pinunong nagbansag sa kanyang sarili na “sugo” sa mga debateng gayon na hindi nalalaman na ang kanyang husay sa pangangantyaw ang nagdala sa kanya ng wari’y tagumpay. Sinumang haharap kay Soriano upang makipagpaliwanagan sa kanya ay dapat mag-ingat sa bawat pangungusap na kanyang bibitawan sapagkat kilala siya na palaging tumutuon sa kaliit-liitang detalye ng pagkakamali ng pananalita hanggang mabale-wala na ang totoong paksa na pinag-uusapan. Ginagawa nila ito sa paulilt-ulit na pagpapalabas ng isang bahagi na kinunan ng bidyo na kinunan ng isang kasabwat na camera man ng ADD nang sa gayo’y maipamukha sa kalaban kung paanong umano’y sinalungat niya ang kanyang sariling sinabi.


Upang pasiklaban ang kanyang mga myembro at mga tagapakinig, umaasta si Soriano na siya ay tagapagturo ng Biblia na bihasa sa mga wikang Hebreo at Griego ng Biblia. Isang halimbawa ay sa pagtatangka niyang sagutin ang katanungan ng isang tumatawag tungkol sa paniniwala sa “maraming Diyos” ay kumuha siya ng isang lumang bersyon ng Strong’s Exhaustive Concordance of the Bible upang magpasikat sa kanyang mga tagapakinig at manonood na ang salitang Hebreong elohim ay “patunay” na mayroong “maraming diyos!” Ang mga dalubhasa sa Biblia tulad ni James Strong ay hindi sasang-ayon sa doktrina ni Soriano na mayroong “maraming diyos” dahil lamang sa salitang elohim. Tunay na sa isang maingat na pag-aaral mapapatunayan na kahit na ginagamit ang maramihang anyo (plural) ng salitang Hebreong elohim ang tinutukoy pa rin ay ang “iisang” Diyos (halimbawa: Deuteronomio 6:4). Bukod pa rito, hindi siya sumusunod sa siyensya ng tamang pamamaraan ng pagpapaliwanag sa Biblia (hermeneutics) sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga orihinal na mga wikang Hebreo at Griego ng Kasulatan kabilang na ang sitwasyong heograpikal, pangkasaysayan, pangkultura at pangrelihiyon.


Batayan ng Awtoridad ng Katuruan


Bagamang inaangkin ng mga kaanib ng “Ang Dating Daan” (ADD) na Biblia lamang ang batayan ng kanilang katuruan, hindi ito ang buong katotohanan. Naniniwala rin sila na si Eliseo Soriano ay ang “sugo” na siyang dahilan kung bakit siya lamang ang nagpapaliwanag ng Biblia. Samakatuwid, ang isang indibidwal na myembro ay hindi maaaring magpaliwanag ng Biblia mula sa kanyang personal na tungkulin. Ito ay mapupuna kapag mapapanood ang kanyang programa sa telebisyon na “Ang Dating Daan” at “Itanong Mo Kay Soriano” isang umano’y “bible exposé” kung saan siya ang pangunahing tagapagsalita sa pagpapaliwanag ng Biblia. Mapupuna rin ito sa kung paano sagutin ng mga “manggagawa” ang mga katanungan sa kanila tungkol sa mga doktrina ng Biblia kung saan iiwas sila at sasabihing si Soriano ang dapat tanungin.


Kung maaalala rin ng mga matagal nang sumusubaybay sa kanyang mga programa ay may mga panahon na nagbibigay si Soriano ng sarili niyang interpretasyon sa panaginip ng kanyang mga tagapakinig. Isang bagay na hindi ginawa ng mga tunay na isinugo ng Diyos sa Luma at Bagong Tipan ng Biblia.


Mga Paniniwala


1. Itinatanggi ni Soriano ang doktrina ng Trinidad at imbis ay naniniwalang Ang Ama ay Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat (Almighty God) at pangkalahatang tagapagligtas. Mas dakila siya kaysa Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo. Ang “Anak” ay “makapangyarihan” subalit hindi “makapangyarihan-sa-lahat” tulad ng Ama. Kapantay siya ng Ama bilang Diyos subalit hindi kasing-dakila ng Ama sapagkat siya ay isinugo. Higit na dakila kaysa sa Banal na Espiritu. Ang Banal na Espiritu naman ay “bahagi” ng Ama at ng Anak at tinatawag na diyos ngunit hindi isang persona. Bukod sa paniniwala sa “Tatlong mga Diyos” (tama ang nabasa niyo, TATLONG DIYOS) na ito iginigiit din niya na mayroon pang “maraming diyos” dahil umano sa 1 Corinto 8:5!


2. Pinaniniwalaan ni Soriano na ang Ama na siyang Buhay na Diyos ang pangkalahatang tagapagligtas na siyang dapat pasalamatan sa lahat ng bagay na kanyang ginawa sa pagsusugo ng mga tagapagligtas noong nakalipas na mga panahon (Hebreo 1:1, 2)


3. Pinaniniwalaan ni Soriano na si Jesus ay “Makapangyarihang Diyos” ngunit hindi ang “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”. Hindi siya naniniwala na si Cristo ang tanging tagapagligtas ng sangkatauhan. Umano’y dalawang uri ng pagliligtas ang isasagawa ni Cristo. Una, sinugo siya bilang tagapagligtas ng sambahayan ng Israel (Mateo 15:24) noong siya ay magkatawang-tao (Mateo 1:21) subalit isa lamang siya sa maraming isinugong tagapagligtas. Pangalawa, sa kanyang pagbabalik ililigtas niya ang mga umano’y mananampalataya (mga kaanib ng pangkat ni Soriano). Isinugo din si Moises ng Ama ayon sa kanya upang maging kasangkapan ng kaligtasan at maging tagapagligtas ng mga Israelita (Mga Gawa 7:35-37), samantalang si Apostol Pablo ay tagapagligtas ng mga Hentil hanggang sa mga dulo ng daigdig (Mga Gawa 13:46-47). Si Timoteo ang susunod na tagapagligtas pagkamatay ni Apostol Pablo (1 Timoteo 4:16).


4. Pinaniniwalaan din ni Soriano na si Jesus na Anak ng Diyos na Buhay ay nangangailangan din ng tagapagligtas, samakatuwid ay ang kanyang Ama sang-ayon umano sa Hebreo 5:7-9. Pinaniniwalaan niya at ng kanyang pangkat na si Jesus ay diyos at tao, bagamang si Jesus ay hindi ganap na tao kundi “tulad” ng tao ayon umano sa Filipos 2:6, 7.


5. Pinaniniwalaan ni Soriano na ang tinutukoy na “bahay ng Diyos” sa Awit 127:1 sa Lumang Tipan ay ang “Iglesia ng Diyos” at ang pangalan ng iglesyang iyon ay “Iglesia ng Dios kay Kristo Hesus, Haligi at Saligan ng Katotohanan.” Pinaniniwalaan din ng kanyang pangkat na maaaring maligtas ang isang tao kahit hindi narinig ang pangangaral ni Soriano. Ang taong iyon umano’y hahatulan ng Diyos batay sa kanyang kunsyensya. Itinuturo ni Soriano na hindi basta maaaring mangaral ng Biblia ang sinuman maliban na siya ang “isinugo” at ito ay wala nang iba kundi siya mismo.


6. Tulad ng simbahang Catolico Romano pinaniniwalaan ni Soriano na ang tao ay ipinapanganak muli sa pamamagitan ng pagbabautismo sa tubig.


7. Tulad ng mga Saksi ni Jehovah, Sabadista at Iglesia ni Cristo pinaniniwalaan din ni Soriano ang doktrina ng "soul-sleep" o ang pagkawalang-malay ng kaluluwa ng tao pagkamatay nito.


May kahirapang idokumento ang mga doktrina ni Soriano sapagkat hindi nila inilalahad ang lahat ng ito sa anyong nakasulat. Ang mga doktrina ni Soriano ay nag-iiba-iba depende sa paliwanag ng iba’t ibang manggagawa. Kung susubaybayan ang mga programa niya, lumilitaw na hanggang ngayon ay nasa proseso pa siya ng pagbabalangkas ng kanyang mga doktrina. Magbabago pa ang kanyang mga paniniwala sa hinaharap.





The Bastion of Truth

imageyoucanhear

A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.